Friday, July 11, 2008

Banda-lismo.

Bago ko simulan ang tekstong ito, uunahan ko na kayo. Isa itong napakalaking bandalismo. Wala itong pagkakaiba sa mga nakikita mo sa CR, sa upuan, sa waiting shed, sa pader, sa sahig, sa kisame, sa jeep, sa bus, sa canteen at sa notebook ng katabi mo.

Hindi ko alam ano ang pumasok sa isip ko bakit ko sinusulat ang napaka-common na kwentong ito. Ang kwento ng bandalismo sa CR, oo doon marami sa pinto ng bawat cubicle. Iba-iba pang kulay ng tinta ng bolpen o pentel pen. Pula, itim, asul - "I Love my Bestfriend", "The prof's boring", "Bili na!", etc, etc. Ang dami. Naaaliw ako sa kanila, nakakatuwa silang basahin. Akala ko pumunta lang ako sa CR para umihi o mag-ayos ng sarili sa harap ng salamin. Pero hindi, natututo ako sa mga bandalismong nababasa ko.

Bakit ba ipinagbabawal ang bandalismo? Bakit hindi na lang gawing freedom wall ang lahat ng pader? Bakit bawal? Dahil ba sa mga hindi magagandang salitang isinusulat ng mga walang magawa sa buhay? mga kabastusan? mga kabalbalan? Mag-isip ka, oo nga ba?

Noong una, oo. Akala ko masama talaga ang bandalismo. Barbarikong pamamaraan, ngunit hindi pala. Ewan. Pero para sakin nakakatulong siya sa pagmumuni-muni ko. Natututo ako sa mga nababasa ko, parang aklat na kalat-kalat ang pahina. Hindi lahat may sense pero lahat may mensahe. Mga mensaheng tila hindi masabi ng harapan, ng personalan kaya sa mga pader ng CR, waiting shed o jeep isinusulat. Nagbabakasakali siguro ang mga manunulat nito na maipaparating nila ang mga mensaheng ito sa mga taong gusto nilang makausap. Isang malungkot na katotohanan, hindi lahat ng salita naipaparating natin sa mga taong gusto nating makausap. Maaaring naliligaw ang mga salitang ito, hindi siguro makarating sa adres na isinulat mo sa pader.

Kaya sa mga bandalismo, bawal man ito o labag sa batas, patuloy pa rin ang nakararami sa pagbali ng batas para makasulat sa pader. Para mailabas ang kanilang mga sama ng loob, mga hinanakit, mga emosyong hindi lubos masukat, kagalakan o pagkainis. Gumagawa sila ng sariling FREEDOM WALL. Pader na kahit sandali, bibigyan sila ng kalayaang magpahayag, magsulat, magparating ng saloobin. Kahit bawal, tuloy pa rin para sa sigaw ng damdamin.

No comments: