Friday, July 25, 2008

Wala ulit itong Titulo.

Ang ganda. Tinatanaw ko ang dagat. Gabi noon, malamig at kitang-kita ko ang liwanag ng mga bahay sa kabilang dulo ng dagat. Nag-isip ako.

Nakakulong ako. Hindi ako makalabas. Kahit natatanaw ko na ang dagat, nakakulong pa rin ako. Para akong gamu-gamo, napapaso sa apoy na nagmumula sa lampara. Nabulag na yata ako, hindi ko na makita ang tama at mali. Preso ng sarili. Preso ng pekeng paniniwala. Hindi ako makahinga. Nag-isip ulit ako.

Gigising na ko mula sa isang panaginip, panaginip tungkol sa isang dinosaur na nilamon ako ng buong-buo. Akala ko nga mamamatay na ko, akala ko patay na ko, akala ko narating ko na ang kabilang dulo ng dagat. Nag-isip ulit ako.

Ang lalim pala ng dagat, madilim at malamig. Nag-iisa ako, patawid sa dagat. Aabutin ko na sana ang liwanag sa kabilang dako. Ngunit may ipu-ipo, hinihila ako pabalik sa maruming pampang. Akala ko ulit, patay na ko. Nag-isip ulit ako.

Inakala kong ligtas na ko sa pampang kahit marumi roon. Akala ko, hindi na ko lalamunin pa ng dinosaur. Pero patuloy pa rin ang panaginip ko, binabangungot ako sa maruming pampang. Hindi na nga yata ako makapag-isip, ang dilim kasi sa loob ng dinosaur. Pero mali, nag-isip ulit ako.

May narinig akong boses, ginigising ako. Ayun, nagising ako. Salamat naman. Tapos na ang palabas, tapos na ang panaginip tungkol sa dinosaur. Pero hindi pa rin ako ligtas mula sa panaginip. Nag-isip ulit ako.

Naisip ko, siguro magpapatuloy pa ito. Kahit ayaw ko ng managinip, patuloy pa rin ito dahil patuloy ko pa ring tinatakpan ang mga mata ko. Hindi na siguro ako pipikit? MALI. Kailangan ko sigurong buksan ang aking mata at ako na mismo ang susugpo sa malaking dinosaur. Hindi ko na siya ituturing na kaaway, kakaibiganin ko ang dinosaur na ito. Magtatapos ang kwento ko sa isa muling panaginip. Mag-iisip ako, nag-isip na ko. OO. Hindi ko na ulit bibigyan pa ng titulo ang lahat ng ito.

Friday, July 11, 2008

Banda-lismo.

Bago ko simulan ang tekstong ito, uunahan ko na kayo. Isa itong napakalaking bandalismo. Wala itong pagkakaiba sa mga nakikita mo sa CR, sa upuan, sa waiting shed, sa pader, sa sahig, sa kisame, sa jeep, sa bus, sa canteen at sa notebook ng katabi mo.

Hindi ko alam ano ang pumasok sa isip ko bakit ko sinusulat ang napaka-common na kwentong ito. Ang kwento ng bandalismo sa CR, oo doon marami sa pinto ng bawat cubicle. Iba-iba pang kulay ng tinta ng bolpen o pentel pen. Pula, itim, asul - "I Love my Bestfriend", "The prof's boring", "Bili na!", etc, etc. Ang dami. Naaaliw ako sa kanila, nakakatuwa silang basahin. Akala ko pumunta lang ako sa CR para umihi o mag-ayos ng sarili sa harap ng salamin. Pero hindi, natututo ako sa mga bandalismong nababasa ko.

Bakit ba ipinagbabawal ang bandalismo? Bakit hindi na lang gawing freedom wall ang lahat ng pader? Bakit bawal? Dahil ba sa mga hindi magagandang salitang isinusulat ng mga walang magawa sa buhay? mga kabastusan? mga kabalbalan? Mag-isip ka, oo nga ba?

Noong una, oo. Akala ko masama talaga ang bandalismo. Barbarikong pamamaraan, ngunit hindi pala. Ewan. Pero para sakin nakakatulong siya sa pagmumuni-muni ko. Natututo ako sa mga nababasa ko, parang aklat na kalat-kalat ang pahina. Hindi lahat may sense pero lahat may mensahe. Mga mensaheng tila hindi masabi ng harapan, ng personalan kaya sa mga pader ng CR, waiting shed o jeep isinusulat. Nagbabakasakali siguro ang mga manunulat nito na maipaparating nila ang mga mensaheng ito sa mga taong gusto nilang makausap. Isang malungkot na katotohanan, hindi lahat ng salita naipaparating natin sa mga taong gusto nating makausap. Maaaring naliligaw ang mga salitang ito, hindi siguro makarating sa adres na isinulat mo sa pader.

Kaya sa mga bandalismo, bawal man ito o labag sa batas, patuloy pa rin ang nakararami sa pagbali ng batas para makasulat sa pader. Para mailabas ang kanilang mga sama ng loob, mga hinanakit, mga emosyong hindi lubos masukat, kagalakan o pagkainis. Gumagawa sila ng sariling FREEDOM WALL. Pader na kahit sandali, bibigyan sila ng kalayaang magpahayag, magsulat, magparating ng saloobin. Kahit bawal, tuloy pa rin para sa sigaw ng damdamin.