Oo, 'Muni-muni' nga ang pamagat. Pagninilay-nilay. Pag-iisip.
Madalas akong magmuni-muni. Tuwing gabi bago matulog. Isipin ang mga bagay-bagay. Balikan ang mga nangyari sa buong araw. Pero madalas rin, nag-iisip ako ng wala. Oo, tama, WALA. Masarap mag-isip ng wala, bukod sa walang effort, relax pa ang isipan mo. Sa totoo lang, paraan ko to para madaling makatulog pero kadalasan nagiging paraan na rin para ma-realize ano nga ba ang WALA.
Nagsisimula ang lahat sa WALA. Titingin ako sa kisame, magninilay-nilay pagkatapos di ko na namalayang wala na pala akong iniisip. Hindi ito kabaliwan, natutuwa nga ko sa kinakalabasan dahil ang WALA e nakakapagbigay pala ng 'peace of mind.'
Naisip ko tuloy, pano pag puro wala na lang ang iniisip ng mga tao? Eh di 'peaceful' na ang mundo? O kaya wala na ring 'corruption' o ano pa mang krimen? Kung ganoon nga, sana puro wala na lang naiisip ng mga tao.
Pero ang wala, napasok lang sa isipan natin kapag wala tayong maisip o kaya e wala tayong magawa. Parang tunganga, aminin mo masarap tumunganga, bukod sa nakatingin ka sa kawalan, relax pa ang isipan at mga mata mo. Naisip ko tuloy, e di iwas din sa radiation, imbes kasi na tumingin sa screen ng computer e mas mabuti pang tumingin na lang sa kawalan, sa hangin, oh RELAXING!
Sana lagi na lang gabi, para nagmumuni-muni na lang ako. Muni-muni. Umiisip ng WALA. Ang saya. Walang problema, walang WORRIES (parang commercial lang sa TV), walang sakit sa ulo. Ang mag-isip ng wala. Naitanong ko rin, nakakapagod kaya mag-isip ng wala? Ang sagot ko, susubukan ko isang gabi, puro WALA ang iisipin ko. Mapagod kaya ako?
Sa ngayon tatapusin ko na ang testimonyang ito. Napapagod na ko sa puro wala ang isinusulat e. Pero sana kahit tungkol sa WALA ang testimonyang ito e makakuha ka na aking mambabasa ng MERON. Mapagtanto mo sana.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment