South Luzon Express Way.
Dumadaan dito ang maraming sasakyan. Trak, kotse, jeep, van, at basta mga sasakyan. Dumadaan ako dito, dalawang beses sa isang linggo. Nakasakay sa van, patungo sa dorm, pauwi sa bahay. Freshman, 1st sem, tinitibag ang gitna ng kalye. Freshman, 2nd sem, pinapatag ang gitna ng kalye, nilalaparan para mas marami pang makadaang sasakyan. Pabalik-balik ako. Dumadaan. Ganoon pa rin ang daanang ito. Mainit sa tanghali. Trapik sa umaga. Nakakairitang dumaan kasi ginagawa pa yung kalye, kaya nagkaka-trapik at nakakatakot ang mga makakasabay mong malalaking trak. Pero isang araw na ginabi ako sa pag-uwi galing sa Unibersidad, doon ko napansin ang kagandahan ng SLEX. Di lang sya para daanan ng mga sasakyan. Di lang sya comfort zone para iwas trapik (though trapik pa rin dahil sa ginagawa nga ito). Ang ganda, oo, nakita ko ang ganda ng daanang ito. Lagi akong araw dumadaan dito, nagsasawa na ko sa mga berdeng paulit-ulit kong nakikita sa bintana ng sasakyan. Pero sa gabi, makikita mo ang kakaibang pagka-mangha.Di naman pasko, pero nawili ako sa mga liwanag dala ng mga sasakyang dito ay dumadaan. Bawat ilaw, tanda ng senyas na nasa kalsada rin sila. Puting ilaw sa harap ng sasakyan at pulang ilaw sa likod, isipin mong ang dami-dami nila, magkaibang landas ang tinatahak. Salungat sa landas ng isa. Nakaka-manghang panuorin kahit sa bintana ko lang ng sasakyan nakikita. Di naman ako naka-helicopter pero kitang-kita ko sila. Malaki man ang sasakyan, trak o kotse, magkaiba man ng landas, norte o sur, pare-pareho silang nagbibigay ng ilaw. Senyas na nasa kalsada rin sila. Proteksyon para iwas banggaan, at kung minsan parang christmas lights, buhay at hindi namamatay hangga't may mga nadaan at pinapanuod ang kawili-wiling pag-ilaw.
Parang buhay..magkakaiba man tayo ng estado. May mayaman, may mahirap, may cute, may panget, may mayabang, may humble, may matalino, may di gaano, may kuripot, may galante, may trapo, may dukha, may..oo marami pa. Iba-iba man ng direksyon, pare-parehong may senyas, pare-parehong sumisigaw na 'andito ako!', nabubuhay at gumagalaw, tinatahak ang kanya-kanyang landas. Pare-parehong nagpapapansin sa kalye tuwing gabi, pare-parehong may pupuntahan. Kahit yung iba sa kawalan lang ang tungo. Sa SLEX man o saan mang kalsada, eskinita o kanal. May buhay. Oo.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment